Lifestyle Diseases (Sakit sa Puso) A Poem by JD

Lifestyle Diseases (Sakit sa Puso)

Sinulat ni JD Agapito

Sa dami ng sakit sa ating lipunan

Sakit ng katawan ay kayang pigilan

Lalo na’t sa puso ang pag-uusapan.

Disiplina ang siyang tanging kailangan

Bakit ko nasabi ang huli kong linya?

Dahil ang sakit ay tayo ang may gawa.

Alam na masamang kumain ng taba.

Hanap nitong dila’y karneng mamantika.

Kung may pera nama’y panay rin ang punta

Sa mga food chains na prito ang siyang tinda.

Sa order na chicken, balat ang inuuna.

Mataas na kolesterol siyang ‘di iniinda.

Bukod pa nga rito’y ang hindi paggalaw.

Panay ang pag-upo’t di man lang sumayaw.

Kahit na minsan lang sa buong isang araw.

Maglakad lakad ng taba ay matunaw.

Maging sa inumi’y di displinado.

Kung uminom ng softdrinks sadyang bigay todo.

Dapat ay minsan lang sa buong ‘sang linggo.

Mas maraming tubig ang dapat sa iyo.

Kaya’t mas marami ang may hypertension.

Dahil sa kinai’y mayr’ong alta presyon.

Dagdagan pa natin ng lahat ng tensyon.

Dala na rin mismo ng mga sitwasyon.

Kaya kung ikaw ay hindi magbabago.

Lalo pa kung ika’y naninigarilyo.

Tiyak ang buhay mo ay mamimiligro.

Sakit sa puso ang tatapos sa iyo.

Dito sa aking tula ‘y may hihilingin.

Pwede bang pagkain ay sadyang isipin

Para makontrol ang taba maging asin.

Mga simpleng bagay ‘wag ng problemahin.

Kaya’t sana ay hindi pa mahuli.

Itong aking payong hangad ay mabuti.

Upang maiwasan itong maatake.

At di na mangyari itong pagsisisi.

Dahil may dalanging kasama ang tula.

Itaas sa Diyos ang nais na sadya.

Sa kanyang patnubay lahat magagawa.

Kung buhay ay maayos, siya’y matutuwa.

Contributed by COMADD NIH Member
Prof JD
June 28, 2010 5:00

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.